Panahon na naman nga ng pag-ibig
Mga tsokolate at rosas na ang nasa paligid
Pansin na ang mga pusong papel sa langit
Habang ang ating mga ngiti ay nakaukit

Ating balikan ang mga ala-alang minsan tayong binuklod sa pagmamahalan
Mga panahon kung saan paniguradong babalik-balikan
Ang libro ng ating kahapon ay muli nating buksan
Halina’t sariwain ang mga kwentong ating sinimulan

Unang pahina nang makita kita sa plaza
Marami mang nagsasayawan ay lumitaw pa rin ang natatangi mong ganda
Nakuha mo ng tuluyan ang atensiyon ng aking mga mata
Maging ng mga ngiti mong nagbigay sa akin ng kaba

Sa hindi inaasahang pagkakataon tayo ay nagkabanggaan
Bumilis ang tibok ng puso ko nang tayo ay nagkatitigan
Inaya kang sumayaw kasabay ng saliw ng tugtugan
Dinadama ang himno ng mga nag-aawitan

Ikalawang pahina ay lagi tayong magkasama
Hanggang sa lubusan na kitang nakilala
Hinahanap-hanap ang iyong presensiya
Hinihiling na araw-araw kang Makita

Ikatlong pahina nang magtapat tayo sa isa’t-isa
Saksi ang mga bituin sa mga katagang, “mahal kita”
Sabay nating nasilayan ang tunay na ganda
Ng pag-ibig na ating nadarama

Sa mga sumunod na pahina ay hindi nagkaintindihan
Nagkaroon ng mga away at iilang tampuhan
Sinubok ang tatag ng ating samahan
Papunta sa dulo ng kawalan

Kawalan ng pag-asa pero nagpatuloy tayo sa karera
Karera ng buhay kaya hanggang ngayon tayo ay magkasama
Magkasamang nagmamahalan at naglilingkod sa kanya
Sa kanya na ang plano ay palagi tayong maging masaya

Naging matibay ang ating relasyon
Nang si Kristo na ang nagbigay ng direksiyon
Dinala tayo sa totoo at tamang lokasyon
Upang maging magandang halimbawa sa susunod na henerasyon

Magsasama tayo sa hirap at ginhawa man
Pag-iisahin ng Diyos ang ating mga puso at isipan
Hindi matatapos ang librong ating sinimulan
Bagkus ay magpapatuloy pa ang ating pagmamahalan
Kasama ang Diyos, pamilya at mga kaibigan
Bubuo ng mga ala-alang magbibigay ng kagalakan

Panahon nanaman nga ng pag-ibig
Pagmamahalan ang nararamdaman sa bawat paligid
Panahon nanaman nga ng pag-ibig
Ika’y kasama pa rin at nasa aking mga bisig..


17192400_1801143096815116_6255131978419362975_o.jpg

Ang akda na ito na spoken word ay kanyang binigkas sa Glorious Hope Christian Center Valenzuela’s “Panahon ng Pag-ibig : Couples Night 2017” bilang panimula sa programa.
Advertisements